MANILA, Philippines - Tiniyak kahapon ni Senate President Juan Ponce Enrile na ibababa ng impeachment court ang hatol kay impeached Chief Justice Renato Corona sa darating na Martes sa kabila ng pagkabigo ng Punong Mahistrado na humarap muli kahapon dahil sa biglaang pagkakasakit.
Binigyan ni Enrile ng hanggang Biyernes ang mga abogado ni Corona na iharap ito sa impeachment court matapos ihayag ni Serafin Cuevas, lead counsel ng depensa, na naka-confine sa ospital ang kanilang kliyente.
Ayon kay Cuevas, nagtungo siya sa Medical City pero nabigo siyang makausap si Corona at ang tanging humarap sa kaniya ay si Mrs. Cristina Corona at mga anak ng chief justice na sina Carla at Francis.
Sinabi pa ni Cuevas na hindi nila tututulan kung magpapadala ang Senado ng doctor upang i-check up si Corona na hirap umanong tumayo at huminga.
Itinakda ni Enrile sa Lunes ang oral arguments ng depensa at ng prosekusyon.
Inihayag naman ni Rep. Niel Tupas, na kung babalik si Corona sa Biyernes iwi-waive na nila ang kanilang karapatan sa cross-examination.
Nagkasundo rin ang mga senador sa isinagawang caucus na gamitin na rin bilang ebidensiya ang testimonya ni Corona kamakalawa kahit pa hindi ito sumipot sa trial sa Biyernes.
“If Corona does not appear on Friday, we will consider his statement yesterday as evidence,” sabi ni Enrile.
Bibigyan naman ng tig-isang oras ang depensa at ang prosecution sa gagawing oral arguments.
Napaulat na sinabi ni Dr. Eugenio Ramos, senior vice president ng Medical City na binabantayan ng mga doctor si Corona dahil sa posibleng heart attack.
Kailangan ng prosekusyon na makakuha ng 16 boto mula sa mga senator-judges para ma-convict si Corona kahit sa isa lang sa tatlong Articles of Impeachment samantalang 8 lang ang kailangan para ma-acquit ang Punong Mahistrado.
Matatandaan na humarap si Corona sa trial noong Martes pero nag-walkout ito matapos ang halos tatlong oras na opening statement. Itinatanggi naman ng defense team na ‘walkout’ ang nangyari kundi nagpaalam ang punong mahistrado bago ito bumaba sa witness stand dahil masama na ang pakiramdam nito matapos bumaba ang kanyang blood sugar at tumaas ang kanyang blood pressure.
Hindi naman nakalabas ng Senado si Corona matapos iutos ni Enrile na isara ang lahat ng lagusan na puwedeng daanan ni Corona palabas ng gusali hanggang sa ibalik na nakasakay ng wheelchair si Corona sa session hall ng Senado. -May ulat ni Rudy Andal