MANILA, Philippines - Mag-iimport ang National Food Authority (NFA) ng may 100,000 tonelada ng bigas sa Vietnam o Thailand at dagdag pang 20,000 tonelada ng bigas para makumpleto ang import requirements ng bansa.
Ayon kay NFA Administrator Angelito Banayo, ang inaangkat na bigas ay inaasahang darating sa bansa bago magsimula ang harvest season sa Hulyo.
Bukod sa dalawang bansa, maaari ding maging supplier ng bigas ang Cambodia kayat kinakausap ito ngayon ng Pilipinas para lumagda sa isang rice supply deal sa bansa sa Mayo 30.
Niliwanag ni Banayo na ang pagbili ng bigas ay bahagi ng plano ng Pilipinas sa 2012 imports na 500,000 tons, na mas mababa sa record imports ng 2.45 million tons noong 2010 at 860,000 tons nitong nakaraang taon habang tumataas ang domestic rice production.
Pinapayagan din ang private rice traders at farmers’ groups na magpasok din ng 380,000 tons sa unang bahagi ng taon.