Manila, Philippines - Iniutos kahapon ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Jessie Dellosa sa kanyang mga tauhan ang mahigpit na pagbabantay sa mga flagship project ng gobyerno upang mapigilan ang posible pang pananabotahe ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA).
Ang direktiba ay ipinalabas ni Dellosa kasunod ng pag-atake ng mga rebeldeng NPA sa konstruksyon ng international airport sa Brgy. Alobo, Daraga, Albay noong Biyernes ng gabi na ikinasugat ng dalawang nagrespondeng sundalo.
“All units all instructed to improve their security plan and intensified their intelligence gathering operations to prevent such occurrence,” pahayag ng Chief of Staff.
Sa nasabing insidente ay nasugatan ang dalawang sundalo na sina Pfc. Gapayao at Pfc. Cornal; pawang nakatalaga sa Army’s 2nd Infantry Battalion (IB).
Ayon kay 901st Infantry Brigade Commander Col.Arthur Ang, kung hindi sa maagap na pagresponde ng kaniyang mga tauhan ay malamang na tuluyan ng naabong lahat ang mga kagamitan sa nasabing flagship project.