Manila, Philippines - Nagbabala kahapon sa publiko ang grupong EcoWaste Coalition na huwag bilhin ang murang kapote na pambata na natuklasang may taglay ng lason o kemikal na mapanganib sa kalusugan.
Kinumpima ng grupo na may 14 na iba’t ibang uri ng children’s raincoat mula sa mga tindahan sa Divisoria ang ipinasuri ngunit isa lamang sa nabanggit na bilang ang ligtas sa lead content na maaring makapinsala sa utak ng batang gagamit nito.
Inagapan lamang umano ng EcoWaste ang inaasahan pagdagsa ng mga mamimili ngayong papalapit na ang pagbubukas ng klase na inaasahang tag-ulan.
Kaugnay nito, pinayuhan ng grupo ang publiko na tiyaking ligtas ang mga kagamitang binibili para sa kanilang mga anak.
Nauna rito, ibinunyag din ng EcoWaste na ilang school supplies na ipinagbibili sa Divisoria sa murang halaga tulad ng mga bag, pencil case, plastic envelope at sapatos ay nagtataglay din ng mataas na antas ng toxic chemicals.