23 OFWs na naipit sa Syria, uuwi ngayon
Manila, Philippines - May kabuuang 23 Overseas Filipino Workers (OFWs) na naipit sa kaguluhan sa Syria ang nakatakdang dumating sa bansa ngayon.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), ang 23 OFWs na pawang kababaihan ay inaasahang lalapag sa Ninoy Aquino International Airport dakong alas-11:55 ng gabi lulan ng Emirated Airlines flight EK-334.
Pito sa mga repatriates ay mula sa magulong bahagi ng Syria sa Homs, habang isa ang nanggaling sa Hama.
Ang mga uuwing manggagawang Pinay ay kinupkop at pansamantalang nanatili sa Embahada ng Pilipinas sa Damascus halfway house habang pinoproseso ang kanilang exit clearance pauwi sa Pilipinas.
Nauna rito, may 25 pang OFWs ang dumating sa bansa mula Syria noong May 14.
Naitala ng DFA nitong Mayo 20, na may 1,489 kabuuang bilang na ng mga Pinoy ang napauwi na ng pamahalaan mula Syria simula nang ipatupad ang alert level 4 o mandatory evacuation sa nasabing bansa noong Disyembre 22, 2011.
Muling nagpaalala ang DFA sa pamilya ng mga OFWs na magbigay ng kaukulang impormasyon upang matunton ang kanilang kaanak na nanganganib ang kaligtasan dahil sa patuloy na kaguluhan sa Syria na makipag-ugnayan sa Office of the Undersecretary for Migrant Workers’ Affairs (DFA-OUMWA) sa numero (02) 834-3245 o (02) 834-3240.
- Latest
- Trending