MANILA, Philippines - Isang drug den ang ipinasara ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Iloilo kasabay ng pag-aresto sa maintainer nito.
Ayon kay PDEA Director General Undersecretary Jose S. Gutierrez, ang pagbuwag sa nasabing drug den ay nagdala sa kanilang operasyon sa bilang na 24 drug den na naipasara ngayong taon.
Nasakote din ng tropa ng PDEA Regional Office 6 (PDEA RO6) sa pamumuno ni Director Yogi Filemon Ruiz si Gocer Degala, 22, maintainer ng drug den sa pamamagitan ng buy-bust operation sa kanyang bahay sa Zone II, Barangay Bakhaw sa Mandurriao, Iloilo City.
Isang PDEA undercover agent ang nagsilbing kliyente na bibili ng shabu mula kay Degala kung saan ito naaresto matapos iabot ang malaking plastic sachets ng shabu. Nakumpiska din ang cellular phone ni Degala na ginagamit nito sa pakikipag-transaksyon sa kanyang iligal na negosyo.
Isang Dominic Javier ng Pototan, Iloilo, ang inaresto sa loob ng drug den nang isagawa ang operasyon sa naturang lugar.
Sina Degala at Javier ay dinala na sa Mandurriao Police Station kung saan sila pansamantalang ikinulong sa kasong paglabag sa Section 5 (Sale of Dangerous Drugs), Section 6 (Maintenance of Drug Den), Section 7 (Visitor of a Den) at Section 11 (Possession of Dangerous Drugs), Article II ng Republic Act 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Nilinaw ni Gutierrez na ang drug den ay isang “one-stop-shop” illegal drug facility na minamantine para madaling makakuha ng kliyente para sa shabu at konbinyenteng lugar para gumamit nito.
Kamakailan dalawang drug den ang nabuwag ng PDEA sa Western Visayas - isa sa Roxas City at isa sa Estancia, Iloilo sa magkahiwalay na buy-bust operations. Nadakip din ang mga operators nito.
Sa kabuuang 24 drug dens na naipasara ng PDEA; anim dito ay sa Region 6; tig-apat sa Regions 4A, 5 at 7; dalawa sa Region 13; at isa sa bawat Regions 3, 9, 10 at 12.
Sabi pa ni Gutierrez, ang droga ay parang kendi na ibinibenta sa mga komunidad sa pamamagitan ng drug dens. Kaya naman pangunahin ang mga ito sa kanilang operasyon para tuluyan ng masawata ang bawat gustong magtayo nito.