Mga pulitikong sigurista nagpapalit na ng partido
MANILA, Philippines - Dapat umanong kilalaning mabuti ng publiko lalo na ng mga botante ang mga makasariling pulitiko na nais lamang makuha ang political interest sa panahong ito na maaga pa lamang ay ‘papalit-palit at palipat-lipat’ na ng partido, kaalyado at lugar kahit lumalabas na nawawalan sila ng paninindigan sa sarili.
Ito ang dismayadong pahayag ni Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-National Secretariat for Social Justice and Peace (CBCP-NASSA) executive secretary Father Gariguez sa nagiging kultura ng mga pulitiko sa bansa.
“Nakakalungkot sa ating pulitika na wala naman talagang tindig o malilinaw na dinadala ang mga partido o kandidato kundi kanila lamang mga personal na interes,” ayon kay Gariguez, sa panayam ng church-run Radio Veritas.
Nanawagan ang pari sa mga botante na kilalaning mabuti ang kanilang iboboto hindi batay sa personalidad kundi sa kakayahan, moralidad, pagiging makatao at maka-Diyos ng mga ito.
Nauna rito, ilang pulitiko na ang ngayon pa lang ay lumilipat na nang kinaaanibang partido upang matiyak lamang ang panalo sa susunod na halalan, bagamat matagal pa ang 2013.
- Latest
- Trending