Lobbying ng INC itinanggi ng UNA
MANILA, Philippines - Pinabulaanan ng isang miyembro ng United Nationalist Alliance na si Congressman Toby Tiangco ang naglabasang ulat na tinangkang makipagpulong ng Iglesia ni Cristo sa kanilang mga kasamahan sa partido para impluwensiyahan ang impeachment court.
Napaulat na tinatangka umanong impluwensiyahan ng INC ang Senate na tumatayong impeachment court para maabsuwelto si Supreme Court Chief Justice Renato Corona.
“Bilang secretary general ng UNA, nililinaw ko na walang katotohanan ang tsismis. Walang emisaryo mula sa INC ang nagpadala sa mga senator-judges na miyembro ng UNA para ipakiusap na ipawalangsala ang Punong Mahistrado,” sabi ng mambabatas.
Binira ni Tiangco ang lumabas na ulat na nagmula sa “anonymous source” o impormanteng hindi pinangalanan na nagtatangkang siraan ang reputasyon ng INC at UNA.
“Iginiit ng impormanteng ito mula sa Kongreso na huwag siyang pangalanan habang tinatangka niyang siraan ang UNA at ang INC. Hindi ba tayo kagalang-galang? Lumantad ka, Mr. Congressional source at patunayan mong isa kang kagalang-galang,” sabi pa ni Tiangco.
- Latest
- Trending