Address ng gov't officials sa SALN itatago sa media
MANILA, Philippines - Bilang proteksiyon sa seguridad ng mga opisyal ng gobyerno, bukas ang Malacañang na itago sa media ang address ng mga ito na nakalagay sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth.
Ayon kay Deputy Presidential spokesperson Abigail Valte, hindi naman mahalaga sa media ang address ng mga opisyal ng gobyerno sa paghingi ng SALN dahil ang tinitingnan lamang ng mga ito ay ang net worth at ang liabilities.
Sinabi pa ni Valte na kalimitan naman ay ikinukumpara lamang ng mga miyembro ng media ang liabilities at net worth ng isang opisyal sa nagdaan nitong SALN kaya hindi na mahalaga ang address.
Ginawa ni Valte ang pahayag dahil na rin sa pangamba ni Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario na malagay sa panganib ang buhay ng mga miyembro ng Gabinete ni Pangulong Aquino at pamilya ng mga ito dahil sa pagsasa-publiko ng kanilang mga address.
Sinabi ni Valte na sa susunod na taon ay gagawan nila ng paraan ang reklamo ni del Rosario na itago ang address ng mga opisyal ng pamahalaan.
- Latest
- Trending