Trader, broker kinasuhan ng BOC sa P40-M paputok

MANILA, Philippines - Nahaharap sa kasong paglabag sa Tariff and Custom Code ang isang trader at isang broker sa Department of Justice (DOJ) dahil sa umano’y illegal na importasyon ng fireworks na nagkakahalaga ng P40 milyon.

Kinilala ni BoC Commissioner Ruffy Biazon ang mga kinasuhan na sina Wilfredo Ong Lapuz, owner/proprietor ng Grinderstone International Trading at ang kanyang customs broker na si Paul Noriel Alcantara.

Nag-ugat ang pagsasampa ng kaso sa dalawa ng tangkain ng mga itong ipuslit ang apat na 20-footer na container van na idineklarang tissue, switch shower, curtains at lababo, subalit nadiskubreng mga paputok.

Nabatid na ang mga kargamento ay dumating sa Manila International Container Port noong Nobyembre 2011.

Ayon kay Biazon, ito ay babala sa mga smuggler na bilang na ang mga araw dahil sa walang patid na pagkakasangkot sa smuggling.

Dagdag pa ni Biazon na hindi titigil ang BOC sa paglilinis ng kawanihan mula sa mga smuggler.

Nagpahayag naman ng kasiyahan si BOC Deputy Commissioner Danilo Lim sa operasyon ng MICP-Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS), sa pamumuno ni Marissa Galang, matapos na masakote ang mga ipinupuslit na mga paputok.

Show comments