MANILA, Philippines - Inaprubahan ng National Capital Regional wage board ang P30 karagdagang Cost of Living Allowance (COLA) sa Metro Manila.
Ayon kay Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, hahatiin sa dalawang bigay ang umento kung saan ang P20 ay epektibo sa June at ang P10 ay magiging epektibo pagkaraan ng 6 na buwan.
Dismayado naman ang Kongreso sa P30 COLA increase na ibinigay ng Regional Tripartite Wage Board sa mga manggagawa.
Ayon kay Northern Samar Rep. Emil Ong na siya ring chairman ng House Committee on Labor, hindi sila kuntento sa iginawad na P30 COLA ng mga manggagawa na ibibigay pa ng 2 gives.
Giit ni Ong, P60 ang pinakamakatuwiran sanang wage hike na ibinigay ng wage board para makabawi ang mga manggagawa sa sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng bilihin at serbisyo.
Hindi rin umano dapat palaging sa COLA ipinapasok ang increase kundi sa basic wage naman ng mga manggagawa para makinabang din sa pagtaas ng benepisyo.
Gayunman dahil nandyan na umano ang desisyon ng wage board ay mas mabuti na rin umano kesa sa wala.
Bukod dito dapat din umanong unawain na ikinunsidera ng wage board ang kakayahan ng mga employers na magpasweldo dahil na rin sa pangambang lumala pa ang unemployment sa bansa kung magbigay ng mas malaking sweldo.