Joey de Venecia sa NTC: Mababang singil sa text ipatupad
MANILA, Philippines - Naghain kahapon ng petisyon sa Quezon City Regional Trial Court ang negosyanteng si Joey de Venecia para hilingin sa National Telecommunications Communications (NTC) na ipatupad na ang utos nito sa mga telecommunications companies (telcos) na babaan ng 20 sentimos ang singil sa kada text messages.
Sabi ni de Venecia, naghain siya ng petisyon bilang isang regular na gumagamit ng short messaging services (SMS).
Ayon kay de Venecia, noong Oktubre 2011 pa inilabas ang utos ng NTC subalit pitong buwan na umano ang nakalipas ay pareho pa rin ang sinisingil sa ating mga kababayang subscribers.
Matatandaang naglabas ang NTC ng Memorandum Order 02-10-2011 na nag-aatas sa mga telcos na tapyasin ang interconnection charge ng mga text messages ng 20 sentimo.
Ayon pa sa ZTE-NBN whistleblower, hindi dapat maliitin ang 20 sentimo na ibabawas sa singil ng text messages. “Naging bahagi na ng buhay natin ang paggamit ng cellphone. Kalimitan ang isang tao ay nagpapadala ng 20 text messages o higit pa kada araw, kaya kung susumahin mo maaring makatipid ng P300-500 kada buwan.”
Ipinaliwanag ni de Venecia na ang perang natipid ay nagamit sana ng mga Pilipino sa pagkain, pamasahe at iba pang pangaraw-araw na pangangailangan.
- Latest
- Trending