MANILA, Philippines - Upang mabigyang babala ang mga Filipina at hindi maging biktima ng panggagahasa, iginiit kahapon ni Senate Majority Leader Vicente “Tito” Sotto III na ilabas ng Department of Foreign Affairs ang listahan ng mga diplomat na hindi maaaring kasuhan kahit pa masangkot sa kasong rape.
Inusisa kahapon ni Sotto sa pagdinig ng Senate Committee on Foreign Affairs ang kinatawan ng DFA na si Undersecretary Rafael E. Seguis kung ilang mga diplomat sa bansa ang may diplomatic immunity na kahit pa gumawa ng kasalanan sa loob ng Pilipinas ay hindi maaaring sampahan ng kaso.
Matatandaan na isang 19-anyos na Filipina ang nagsampa ng kasong rape laban kay Erick Schks ng Embassy of Panama pero nabalewala lamang ito matapos makawala ang suspek at makatakas palabas ng bansa.
Ayon kay Sotto, dapat malaman kung ilan ang mga diplomat na hindi maaaring kasuhan dahil sa kanilang diplomatic immunity.
“Ilan silang puwedeng mang-rape sa mga babae natin dito? Give me a list!” sabi ni Sotto.
Hindi naman makapagbigay ng detalye si Seguis at itinuro nito ang Office of the Protocol ng DFA.
Inalam naman ni Sen. Loren Legarda kung magkano ang halaga ng negosyo ng Panama sa Pilipinas.
Ayon kay Assistant Secretary Patricia Paez ng Office of American Affairs, umaabot sa 66,000 ang mga Filipino seafarers na nagta-trabaho sa mga Panamanian registered vessels.
Mayroon din umanong $73 milyong negosyo ang bansang Panama sa ating bansa.