Corona 'di puwedeng bastusin, insultuhin
MANILA, Philippines - Tiniyak kahapon ni Senate President Juan Ponce Enrile na hindi iinsultuhin at babastusin ng mga senator-judges si Chief Justice Renato Corona sa sandaling humarap ito sa impeachment court sa Martes.
Ipinaliwanag ni Enrile na walang senador ang maaaring mang-insulto o mang-harass kay Corona dahil nakasaad ito sa kanilang rules.
Inihayag naman ni Sen. Ping Lacson na sumang-ayon ang mga kasamahan nilang senador na igagalang si Corona kapag tumestigo na ito.
“Syempre very respectful kami sa stature. Walang magtataas ng boses, walang mambastos, walang mang-iinsulto,” pahayag ni Lacson.
Ipinaalala pa ni Lacson na maaari namang magtanong ang mga senator-judges sa maayos na paraan na hindi nagtataas ng boses.
Inaasahan na rin umanong gigisahin si Corona ng mga senator-judges tungkol sa laman ng dollar account nito.
Nagbabala rin ang ilang senador kay Corona sa paggamit nito ng kaniyang “right against self-incrimination” dahil mahalaga umanong lumabas ang katotohanan.
Samantala, nakapili na ang prosecution panel ng dalawa sa kanilang mga private lawyers na posibleng magsagawa ng cross examination kay Corona sa pagharap nito sa Martes.
Ayon kay Cavite Rep. Joseph Emilio Abaya, ang tumatayong impeachment manager, mismong ang mga miyembro ng 11-man panel ang pumili kina Attys. Mario Bautista at Arthur Lim.
Paliwanag ni Abaya, ang dalawang abugado ay mayroong sapat na kasanayan sa pagsasagawa ng cross examinations.
Si Bautista ay kilalang managing partner ng Poblador Bautista and Reyes Law firm na gumanap rin ng mahalagang papel sa hindi natapos na impeachment trial laban kay dating pangulong Joseph Estrada ma tapos na iprisinta ang bank executive na si Clarissa Ocampo.
Si Lim naman ay dating pangulo ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) at nakilala rin matapos itong pagalitan ni Senator-Judge Miriam Santiago dahil sa pagtatakip ng tenga habang nagsasalita ang senadora.
- Latest
- Trending