MANILA, Philippines - Ikinumpara kahapon ni Senator Miriam Defensor-Santiago sa isang inaabangang boxing match na tututukan ng publiko ang gagawing pagharap ni Chief Justice Renato Corona sa impeachment trial sa Martes.
Ayon kay Santiago, tiyak na titigil ang trabaho at pati mga taga-probinsiya ay manonood at aabangan ang gagawing pagsalang ni Corona.
Bagaman at hindi binanggit ni Santiago ang mga laban ni Manny Pacquiao kung saan halos lahat ay tumututok sa telebisyon, sinabi ng senadora na walang ipinag-iba sa matinding boxing match ang gagawing panonood ng mga mamamayan sa kanilang telebisyon.
Pinakamahalaga aniyang babantayan kay Corona ang body language nito sa sandaling umupo na sa witness stand bilang pinakahuling testigo ng depensa.
Makikita umano sa ikikilos ni Corona kung magpapakatotoo ito.
Sa ngayon aniya ay masyado ng perceptive ang publiko kaya interesado ang mga ito sa kahihinatnan ng impeachment trial.
Isa sa mga itatanong niya kay Corona ay kung ano ang impact ng kinakaharap nitong impeachment complaint sa Korte Suprema.
Bubusisiin din umano ni Santiago kung ano ang pananaw ni Corona sa nangyayaring impeachment trial sa check and balance sa gobyerno.
Ipinangako ng depensa kamakalawa na sa Martes na papaharapin ang pinakahuli nilang testigo sa katauhan ni Corona na inakusahan na mayroon umanong multi-milyong deposito sa mga bangko na hindi isinama sa kaniyang Statement of Assets, Liabilities and Net worth (SALN).