MANILA, Philippines - Pinangunahan kahapon ni Pangulong Aquino ang pagsisimula ng 7th Tindahan ni Aling Puring Sari-Sari Store convention ng Puregold Price Club Inc. na ginanap sa World Trade Center sa Pasay City.
Mahigit 70,000 na miyembro ng Tindahan ni Aling Puring ang dumagsa sa World Trade Center para sa taunang convention mula Mayo 16-19 kasabay din nito ang convention naman sa Camp John Hay sa Baguio City mula Mayo 16-17.
Siniguro din ni Pangulong Aquino sa mga miyembro ng Tindahan ni Aling Puring na suportado ng gobyerno ang small scale enterprise kasabay ang pangako na hindi pahihirapan ang mga ito sa pagkuha ng kanilang lisensiya at mga permits.
Kinilala din ng Pangulo ang ginampanang papel ng mga small entrepreneurs tulad ng mga miyembro ng Tindahan ni Aling Puring sa paglago ng ekonomiya ng bansa na umabot sa P1.3 trilyon ang naging kontribusyon ng retailing.
“Saan bang daan ang walang sari-sari store? For the entire economony, 30 percent or P1.3 trillion pesos ang naging kontribusyon ng retailing,” wika pa ng Pangulo sa kanyang mensahe sa mga participants ng Aling Puring convention.
Ipinagmalaki naman ng presidente ng Puregold na si Mr. Lucio Co, na umaabot sa 27,000 ang work force ng Puregold sa buong bansa kasabay ang pag-aanunsiyo na 35 stores pa ng Puregold ang bubuksan sa taong ito kaya aabot sa 106 ang stores nito sa buong bansa.