MANILA, Philippines - Gustong ipaaresto ni Senator Miriam Defensor-Santiago ang sinasabing “Mr. Anonymous” na pinanggagalingan ng mga dokumentong may kaugnayan sa kinakaharap na kaso ni impeached Chief Justice Renato Corona.
Hindi na naman napigilan kahapon ni Santiago ang magalit sa testigong si Harvey Keh dahil sa ginawa nitong pagdadala ng dokumento sa tanggapan ni Senate President Juan Ponce Enrile kamakailan na maaari umanong gamiting ebidensiya laban kay Corona.
Labis na ipinagtataka rin ni Santiago kung bakit sa tuwing may sumusulpot na dokumento, sinasabi ng prosekusyon na galing ito sa isang anonymous source.
“Who is Mr. Anonymous? I want to ask the PNP and AFP to issue an arrest order against him,” pahayag ni Miriam habang kinagagalitan si Keh.
Iprinisinta ng depensa si Keh bilang hostile witness dahil sa pagiging bias umano nito at pagbatikos kay Corona sa kaniyang mga blogs.
Isa si Keh sa mga naghain ng reklamo laban sa chief justice sa Office of the Ombudsman.
Kinuwestiyon din ni Santiago si Keh dahil sa pagbibigay nito ng halaga sa dokumento na hindi naman alam ang pinanggalingan.
Nagpahayag din ng pagdududa si Santiago kung ilan talaga ang miyembro ng grupong kinabibilangan ni Keh na “Kaya Natin Ito” na nagsusulong umano ng good governance.
Base sa salaysay ni Keh, ang mga dokumento na dinala niya sa tanggapan ni Enrile ay nakuha lamang niya sa gate ng kanilang apartment.
Bago sinermunan ni Santiago si Keh, nauna na itong pinagalitan ni Enrile na na-insulto umano sa ginawang pagtatangka ni Keh na impluwensiyahan siya.
Sinabi pa ni Enrile na nainsulto siya sa ginawa ni Keh na nagsama pa umano ng TV cameraman at reporter ng dalhin ang dokumento sa kaniyang tanggapan.
“I felt insulted and offended and I’m ordering you to show cause why you should not be cited for contempt,” ani Enrile.
Tahasan ding tinawag ni Senate President Pro-Tempore Jinggoy Estrada si Keh na sinungaling.