Pagkuha ng info sa dollar account ni CJ kinuwestiyon
MANILA, Philippines - Nais matiyak ni Senator Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na walang iregularidad sa paraan ng pagkuha ng Office of the Ombudsman ng mga dokumento sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) tungkol sa dollar accounts ni impeached Chief Justice Renato Corona.
Ipinagtataka ni Marcos kung paano nakuha ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales ang mga dokumento ng dollar accounts ni Corona gayong wala pa naman umano itong kinakaharap na “predicate crime”. Hindi rin umano dapat basta-basta na lamang inilabas sa publiko ang mga impormasyong nakuha sa AMLC.
Sinabi ni Marcos na base sa kaniyang nalalaman, ang requirement para masimulan ang isang imbestigasyon ay dapat may “predicate crime” at hindi rin dapat inilalabas ang records ng AMLC kung walang court order.
Dapat linawin ng Ombudsman kung may bago ng sistema kaugnay sa pagkuha ng impormasyon sa AMLC at pagbibigay nito sa media.
Matatandaan na inamin ni Morales sa ika-37 araw ng impeachment trial noong Lunes na mismong ang AMLC ang nagbigay ng dokumento sa Ombudsman tungkol sa dollar accounts ni Corona na sinasabing mahigit pa sa $10 miyon.
Ipinaalala pa ni Marcos na bukod sa batas na nagbuo ng AMLC, mayroon pang foreign deposit law at banking secrecy law na mistulang nabalewala lahat sa pagkakalabas ng mga dokumento tungkol sa sinasabing dollar accounts ni Corona.
- Latest
- Trending