GMA 'no way' mag-abroad
MANILA, Philippines - Pinabeberipika muna ng Commission on Elections (Comelec) sa Pasay City Regional Trial Court ang tunay na kondisyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo bago magdesisyong payagan itong makapagpagamot sa ibang bansa.
Ayon kay Comelec Chairman Sixto Brillantes, hindi sila agad-agad papayag sa demands ng kampo ng dating Pangulo.
Ipinaliwanag ni Brillantes na nagkaroon na kasi ng insidente sa nakaraan na napatunayang ine-exaggerate lamang ng mga ito ang kalagayan ni Ginang Arroyo.
Kung sakali naman aniya, maari namang magtungo na lamang sa bansa ang mga ispesyalista na susuri at magsasagawa ng treatment sa dating Pangulo.
Tiniyak naman ni Brillantes na anuman ang maging desisyon ni Pasay RTC Judge Jesus Mupas ay kanila itong igagalang.?
Si Mupas ang may hawak sa kasong electoral sabotage na kinakaharap ni Arroyo kaugnay ng naganap umanong dayaan noong 2007 senatorial election.
Dagdag pa ng poll chief na ang electoral sabotage case ay isang “capital offense” kaya’t hindi ito dapat mabigyan ng pagkakataon na matakasan ang kaniyang mga kasalanan.
Una ng napaulat na kinakailangan umanong magtungo ni Arroyo sa ibang bansa para magpagamot dahil sa lumalalang kalagayan nito kung saan hirap na rin ito sa pagkain at paglunok ng kaniyang mga kinakain at hirap sa paghinga dahil sa titanium implant na inilagay sa malapit sa kaniyang esophagus.
Matatandaan na sumailalim sa cervical spine surgery si Arroyo nitong nakaraang taon.
- Latest
- Trending