MANILA, Philippines - Hihilingin ng pipeline operator na First Philippine Industrial Corp. (FPIC) sa Metro Manila Development Authority (MMDA) na buksan sa trapiko ang Osmeña service road dahil nakumpleto na nito ang paggawa sa pipeline sa naturang lugar sa Bangkal, Makati City.
Ayon sa FPIC, ang kahilingan sa MMDA ay kanilang ginawa makaraang matapos na nila ang paglalagak ng ‘multiphase extraction system na gagamitin sa recovery at treatment ng petroleum leakage mula sa pipeline nito.
Ang Osmeña service road ay parallel sa Magallanes Interchange at Osmeña Highway kung saan libu-libong sasakyan ang dumadaan dito araw-araw. Ang naturang kalsada ay isinara noong umpisahan ng FPIC ang repair work sa pipeline leak na nakaapekto sa ilang bahagi ng Bangkal at West Tower Condominium.
Nauna rito ay naghain ng manifestation ang Department of Energy sa Court of Appeals sa pagsasabing ligtas nang gamitin ang pipeline matapos ang isinagawang mga pagsusuri noong Disyembre 2011 na nagpapakitang wala nang leak ang pipeline.
“The MPE system, our remediation program for the ongoing cleanup in Barangay Bangkal, has been fully installed by our engineers under the Magallanes Interchange and it has been cleared to operate by the government agencies concerned,” ayon kay Nards Ablaza, FPIC Bangkal Remediation Project manager.
Ayon naman kay Energy Undersecretary Jay Layug, mababawasan ang mga tankers na nagdadala ng produktong petrolyo mula Batangas patungong Maynila kung mabubuksan na ang pipeline.