SC pinigil ang pagtatanim ng 'mapanganib' na talong

MANILA, Philippines - Nagpalabas ng writ of kalikasan ang Korte Suprema na pansamantalang pumipigil sa commercial production ng itinuturing na mapanganib na genetically modified (GMO) na talong o eggplants.

Batay sa desisyon nitong Mayo 14, pinaghahain ng verified return of the writ of kalikasan ng Supreme Court ang Environmental Management Bureau ng Department of Natural Resources, Bureau of Plant Industry; Fertilizer and Pesticide Authority ng Department of Agriculture, UP Los Baños Foundation, Inc., UP Min­danao Foundation, Inc. at ang International Service for the Acquisition of Agri-Biotech Applications-Southeast Asia Center.

Kabilang sa mga tumututol sa GMO ay sina Leo Avila, Davao City Agriculturist, Atty. Maria Paz Luna, dating Senator Orly Mercado at si Greenpeace Southeast Asia Executive Director Von Hernandez.

Naninindigan ang mga petisyuner na ang GMO ay mapanganib sa kalusugan ng tao at kung hindi ito pipigilan ng SC ay malalantad sa panganib ang 500 pang variety ng talong at iba pang kauri nito.

Mahigpit ang kautusan ng SC na hindi dapat lumampas sa loob ng sampung araw ang paghahain ng verified return of the writ of kalikasan ng mga respondent.

Ayon pa sa mga petitioner, ang GMO Bt talong ay hindi pa aprubado at hindi pa rin nasusubukan sa bansa.

Batay sa SC ruling na nilagdaan ni Clerk of Court en banc, Enriqueta Vidal, inatasan ang mga petitioner na maghain ng malinaw na duplicate original copy o certified true copy ng memorandum of undertaking sa loob ng limang araw.  

Show comments