AFP walang nagawang paglabag sa karapatang pantao
MANILA, Philippines - Ipinagmalaki ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang ulat na zero sa anumang kaso ng Human Rights Violation (HRV) ang anumang sangay ng military sa unang apat na buwan ng taong kasalukuyan.
Ayon kay Col. Arnulfo Burgos Jr., tagapagsalita ng AFP, ang ganitong positibong pag-unlad ay sanhi ng patuloy na pagpapaigting ng military command na turuan at sanayin ang mga sundalo hinggil sa karapatang pantao at magmalasakit sa international humanitarian law at alituntunin ng batas.
Bukod pa dito, inatasan din ng AFP Human Rights Office (HRO) na tukuyin ang ulat ng HRV na kinasasangkutan ng military personnel na idinulog ng Commission on Human Rights (CHR).
Bumuo ang AFP-HRO ng Board of Inquiry (BOI) na kung saan ay pababa sa antas ng batalyon upang magsagawa ng mga pagsisiyasat na patunayan ang mga ulat ng CHR.
Nangako ang AFP-HRO na pananatilihin nila ang pakikipag-ugnayan sa CHR para magtugma ang bilang ng umano’y naitala ng HRV.
Giit ng opisyal, hindi naman binabalewala ng AFP-HRO ang ulat, dahil patuloy silang kumukuha ng impormasyon sa ulat ng CHR para magsagawa ng imbestigasyon na magpapatunay ng katotohanan ng kaso ng HRV.
Hindi rin anya, pinahihintulutan ng AFP ang paglabag sa karapatang pantao sa kanilang hanay at patuloy na susundin ang alituntunin ng batas sa mga sundalo, naka-duty man o hindi.
- Latest
- Trending