MANILA, Philippines - Inihayag ng Malacañang na inalis na ng Department of Foreign Affairs (DFA) at Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang travel ban sa Kurdistan, Iraq.
Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, pwede nang makapunta sa Kurdistan, Iraq ang mga Overseas Filipino Worker’s (OFWs) na nais magtrabaho doon.
Nilinaw pa ni Usec. Valte, ang inalis na ban ay sa Kurdistan, Iraq lamang pero nanatili pa din ang employment ban sa ibang rehiyon sa Iraq.
Ipinagmalaki din ni Valte ang ‘good news’ kung saan ay umabot sa 1.148 milyon ang visitors arrivals sa talaan ng Department of Tourism (DOT) sa 1st quarter ng taon.
Aniya, tumaas ng 16.03 percent ang tourist arrival kumpara sa same period noong 2011.
Bukod dito, ipinagmalaki din ng Malacañang na umabot sa 151 OFW’s sa Riyadh, Saudi Arabia ang nagtapos nitong May 4 ng computer courses mula sa OWWA at DOLE programs.
Iginiit din ni Valte, ang isa pang good news ay naglaan ng P5 milyon ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) para sa restoration ng Ifugao Rice Terraces.