MANILA, Philippines - Target ng Bureau of Customs (BOC) na mapataas ang kanilang koleksiyon bunsod na rin ng pangit na imahe na ibinabato sa ahensiya kaugnay ng umano’y katiwalian.
Tiniyak din ni Customs Commissioner Ruffy Biazon na kanyang pupuksain ang talamak na korapsiyon sa kanyang pamamalakad sa pangunguna ng bagong tatag na “Task Force React” at isulong ang “matuwid na landas” na adhikain ni Pangulong Aquino.
Napag-alaman na sa pag-upo ng batang Biazon, madami na kaagad itong nagawa sa naturang ahensiya partikular na ang mga nakumpiskang kargamento na walang mga kaukulang dokumento na pinaghihinalaang smuggled na siyang ugat ng korapsiyon sa loob ng BOC kung saan bilyun-bilyong piso ay napupunta lamang sa kamay ng mga sindikato.
Itinalaga ang dating Congressman ng Muntinlupa ni Pangulong Aquino dahil na rin sa magandang record nito sa naturang lungsod kung kaya’t malaki ang tiwala ni PNoy sa kanyang magandang adhikain upang matuldukan na ang talamak na katiwalian sa Customs.
Kamakailan ay sunud-sunod ang “Demolition Job” sa naturang pinuno na posibleng ginagamit ng ilang mga sindikato na nasasagasaan ni Biazon upang siya ay mapatalsik sa kanyang puwesto.
Suportado din ang naturang pinuno ng ilang mambabatas hinggil sa ginagawang reporma ngayon sa BOC kasabay ng pagbabantay maging sa mga empleyado nito hinggil sa katiwalian upang matigil na ang pangit na imahe ng naturang ahensiya.