Eroplano siksikan sa NAIA
MANILA, Philippines - Nagsisiksikan na ang mga eroplano sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Sa datos ng Department of Transportation and Communications (DOTC), lumobo ang bilang ng commercial airplanes mula 62 noong 2008 na naging 119 ngayong 2012.
Noong 2006, nasa 18 milyong pasahero ang siniserbisyuhan kada taon na lumobo sa 30 milyon noong nakaraang taon.
Kaya lang ng NAIA runway na magkaroon ng 36 “takeoffs at landings” kada oras ngunit kasalukuyang 50 nito ang ginagawa sanhi ng mga delay at kanselasyon sa mga biyahe.
Isa sa pangmatagalan na solusyon ang ginagawa ngayong pakikipag-usap ng Manila International Airport Authority (MIAA) sa Department of National Defense (DND) upang mailipat ang lahat ng “general aviation flights” sa Sangley Point sa Cavite City sa loob ng isang buwan.
May 82 general aviation flights sa NAIA na labis na makapagpapaluwag sa runway kung maililipat.
Lilimitahan rin sa isang flight ang lahat ng tourism flights kada kumpanya mula alas-7 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon.
Sa kasalukuyan, walang limitasyon ang mga tourism flights. Makakatipid ng dagdag na 5-7 flights kada araw ang MIAA kung maipatutupad ito.
Ililipat rin ang ilang pang-araw na biyahe sa ibang paliparan na “night rated airports”. Tanging mga piloto na may ranggong Captain na lamang ang papayagan rin ng NAIA na makapag-lift off at makapag-landing ng eroplano upang matiyak ang pagiging episyente.
- Latest
- Trending