MANILA, Philippines - Inaprubahan ng Senate electoral reforms and people participation ang isang joint resolution na naglalayong ipawalang bisa ang listahan ng mga botante sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).
Sa Joint Resolution No. 17, pinagbigyan nito ang panawagan na kanselahin ang municipal voters’ list sa lahat ng munisipalidad sa ARMM at suspension ng registration sa Visayas at Mindanao at sa iba pang lugar na sa palagay ng Comelec ay kinakailangang baguhin.
Inaasahan na sa Disyembre 10, 2012 ay mayroon ng bagong listahan ng mga botante sa ARMM.
Nitong Martes inihain ng nasa 17 senador ang nasabing resolusyon na nag-uutos sa Comelec na magsagawa ng bagong general registration ng mga botante sa lahat ng munisipalidad at siyudad sa ARMM.
Ayon sa resolusyon, dapat malinis ang kasalukuyang listahan upang masiguradong magiging maayos ang darating na halalan sa rehiyon.
Marami umano na kahina-hinalang pangalan sa listahan ng mga botante na pinaniniwalang ginagamit sa pandaraya sa eleksiyon.
Ang pondo para sa registration ng mga botante ay kukunin sa hindi nagamit na pondo ng Comelec noong 2011.