MANILA, Philippines - Bibigyang pagkilala ng Light Rail Transit Authority (LRTA) ang mga ina ngayong araw kasabay nang pagdiriwang ng Mother’s Day.
Nabatid na bawat inang sasakay sa ilang istasyon ng LRT Line 1 at 2 ay bibigyan ng libreng mga rosas ng mga personnel ng LRTA.
Aabot sa may 200 masuwerteng ina ang inaasahang mapagkakalooban ng mga bulaklak sa naturang Mother’s Day Treat na gaganapin mula alas-8:00 ng umaga hanggang hapon LRT-1 Central at LRT-2 stations.
Gayunman, nilinaw ni LRTA spokesman Hernando Cabrera na wala silang ipagkakaloob na free ride o libreng sakay.
“Mamimigay po ng roses sa mga piling nanay na pasahero ng LRT bukas sa Cubao at Central Stations, pero wala pong libreng sakay,” pahayag pa ni Cabrera sa kaniyang Twitter account.