MANILA, Philippines - Pinalagan ng isang asosasyon ng mga travel agencies ang inilabas na memorandum ng Department of Foreign Affairs (DFA) na nagbabawal na magproseso sila ng pasaporte na papatay umano sa kanilang industriya.
Sa 777 Media Forum kahapon sa Pasay City, pinababasura ni National Association of Independent Travel Agencies (NAITAS) chairman Bobby Joseph ang memorandum na inilabas ni DFA Regional Consular Office-Cebu officer-in-charge Elias Balawag na nagsasaad na hanggang Hunyo 30, 2012 na lamang maaaring makapagsumite ng passport applications ang mga travel agencies.
Ikinatwiran nito na ito’y upang mabura ang nakarating umano sa kanila ang hinala ng publiko na mas pinapaboran ng DFA na agad na maproseso ang mga passport application buhat sa mga travel agencies kaysa sa mga “walk-ins”. Idinagdag pa na ito’y para mabawasan rin ang gastusin ng mga aplikante na sinisingil ng mga travel agencies.
Sinabi ni Joseph na hindi makatwiran ang naturang memorandum dahil walang naganap na “public consultation” bago ipalabas at tiyak na papatayin nito ang industriya na may 50 taon nang nasa bansa.
Iginiit nito na pili lamang ang mga kliyente ng mga travel agencies na kayang magbayad habang ikinatwiran na sadyang mabilis ang pagproseso ng kanilang aplikasyon dahil sa kumpleto na agad ang mga papeles at iba pang pangangailangan na isinusumite.