MANILA, Philippines - Takdang magtipun-tipon ang may 2,000 estudyante sa Sabado, Mayo 12, para magtayo ng mga bahay para sa mahigit 200 pamilyang nawalan ng tahanan sa pananalasa ng mga bagyong Pedring at Sendong sa Navotas at Cagayan de Oro.
Nais silang tulungan ng Habitat dahil ilang buwan at taon na silang nakatira sa mga tent at evacuation center. Ang proyekto na tinawag na Habitat Youth Build 2012 ay may kahalintulad na aktibidad sa Thailand, India, China, at Indonesia na nilalahukan ng maraming kabataan. Kabilang sa kalahok si Fairy Malong, 24, na isa ring project engineer ng Habitat for Humanity. Kabilang din si Malong sa natulungan ng Habitat. May 12 taong gulang siya o noong taong 2000 nang ang kanyang pamilya ay makatanggap ng bagong bahay sa Quezon City mula sa Habitat Global Build.
Nakatulong ito para makapagpatuloy siya sa pag-aaral at ang kanyang mga kapatid dahil isa lamang tricycle driver ang kanyang ama at wala silang sariling tahanan nang panahong iyon. Bilang ganti, ipinasya ni Malong na magtrabaho sa Habitat para makatulong sa mga taong tumulong sa kanya.