MANILA, Philippines - Mayroon nang mga nakalatag na hakbang upang masiguro ang kaligtasan ng oil pipeline, paglilinaw ng First Philippine Industrial Corporation (FPIC).
Sa manifestation na inihain sa Court of Appeals (CA) ng FPIC, sinabi nina FPIC head engineer in Technical Services Department Einstein Chiu at FPIC Senior Vice President at Ireneo Raule Jr. na naisaayos na nila ang lahat para sa mas ligtas na operasyon ng White Oil Pipeline (WOPL).
Ang writ of kalikasan ay una nang inihain ng mga residente ng West Tower Condominium sa Korte Suprema subalit ipinasa ito ng mataas na hukuman sa CA na siya ngayong nagsasagawa ng pagdinig kung saan tinatalakay kung dapat ba na permanenteng isara o papayagan na makapag-operate muli ang pipeline.
Ang WOPL ay nasa 117 kilometro mula sa Batangas patungo sa Pandacan, Manila. Ang nasabing pipeline ang tumagas sa West Tower sa Makati City na naging dahilan para ilikas ang mga residente at pagkaraan ay iniutos na ipasara para magsagawa ng mga leak tests.
Sa pagdinig sa CA, sinabi ni Raule ilan sa mga measures na kanilang isinagawa para matiyak ang integridad ng WOPL ay pagsasagawa ng line inspection tests gamit ang technically advanced na may kakayahan na makadiskubre ng mga mahihinang pipeline wall, paglalagay ng anti-corrosion system; pagsasagawa ng regular na paglilinis sa pipeline kung saan masisiguro na walang debris o product build-up sa paligid ng pipe.