MANILA, Philippines - Ipinangako kahapon ng abogado ni impeached Chief Justice Renato Corona na si Atty. Jose Roy III na haharap sa impeachment trial si impeached Chief Justice Renato Corona pero kailangan muna umanong ipa-subpoena ng impeachment court si Ombudsman Conchita Carpio Morales at iba pang mga indibidwal na umaakusa sa kanya kaugnay sa sinasabing US $10 milyong bank accounts ng chief justice.
Bukod kay Morales, nais ng depensa na ipatawag rin ang mga nagre reklamo kay CJ Corona sa Ombudsman na sina Ruperto Aleroza, Gibby Gorres, Harvey Keh, Risa Hontiveros at Albert Concepcion.
Nauna ng naghain ng reklamo ang mga nabanggit sa Ombudsman tungkol sa dollar account ni Corona.
Sinabi ni Roy na pagkatapos tumestigo nina Morales, Aleroza, Gorres, Keh, Hontiveros, at Concepcion ay saka haharap si Corona.
Tiniyak ni Roy na nakahanda ang chief justice na harapin ang sinasabing dollar account na diumano’y nakadeposito sa Philippine Savings Bank.
Tiniyak naman ni Enrile na agad siyang magpapa labas ng subpoena sa sandaling maghain ng mosyon ang depensa tungkol sa mga nais nilang paharapin sa korte.
Iginiit naman ni Sen. Panfilo Lacson na dapat lumagda ng waiver si Corona upang masiguradong mabubuksan ang dollar accout ni Corona.
Ayon naman kay Enrile, maaring ipag-utos mismo ni Corona sa kaniyang bangko sa sandaling humarap na ito sa impeachment court ang pagbubukas ng kaniyang dollar account.
Samantala, humingi na “48-hour continuance” ang depensa na pinagbigyan naman ng korte kaya sa Lunes na muli magbabalik ang paglilitis.