MANILA, Philippines - Tahasang sinabi ni Caritas Manila Executive Director Fr. Anton Pascual na maling sistema ng pamamalakad sa bansa kaya patuloy na dumarami ang mga mahihirap na Filipino.
Ayon kay Pascual, ang pinakahuling survey ng Social Weather Station (SWS) na tumaas ang self-rated poverty sa bansa ng 11.1 milyon ay indikasyon na mayroong mali sa sistema ng pulitika, ekonomiya at pagpapatupad ng mga social services sa bansa kaya lalong dumarami ang mga mahihirap na pamilya.
Aniya, napapanahon nang ipatupad ng mga namamahala sa gobyerno ang “paradigm shift” o pagbabago ng pananaw para maibsan naman ang nararanasang kahirapan sa bansa na mula pa noong administrasyong Marcos.
Sinabi pa ng Pari na hindi nagbabago ang social divide na ang mga mayayaman ay lalong yumayaman at ang mga mahihirap ay lalong naghihirap.
Dagdag pa nito na ang “poverty o kahirapan” ay hindi personal bagkus ito ay epekto ng istraktura ng lipunan na hindi tumutugon sa pangangailangan ng lahat partikular na ang common good.
“Ang kahirapan ay hindi gawa ng Diyos yan, kasalanan ng tao yan. Ang paggawa ng tao ng problema palaging may solusyon yan. Siguro kulang pa tayo ng tamang kaisipan. Sabi mo nga, tamang kapusuan pagdating sa yung kalagayan ng puso natin at collective ang talagang effort at to get rid of the evil of poverty,” ani Pascual.