MANILA, Philippines - Pagkatapos ng anim na linggong recess, balik sesyon na bukas ang plenaryo ng Senado at simula na rin ang impeachment trial ni Chief Justice Renato Corona.
Ayon kay Senate President Juan Ponce Enrile, muling magbabalik ang impeachment trial ni Corona sa Lunes samantalang sa Martes naman ang plenary sessions.
Tiniyak ni Enrile na kahit pa muling magbalik ang trial ni Corona, hindi isasantabi ng mga senador ang kanilang totoong trabaho bilang mga mambabatas.
Positibo rin si Enrile na maipapasa ng Senado ang mga priority bills bago ang nakatakdang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Benigno Aquino III sa Hulyo.
Kabilang sa mga prayoridad na panukalang batas ng Senado ang Senate Bill No. 3009 na naglalayong amiyendahan ang Anti-Money Laundering Act (AMLA), SBN 3098 o ang Competition Act at SBN 2865 o Reproductive Health Bil.
Inaasahan ding tatalakayin ng Senado ang panukalang “Terrorist Financing Suppression Act”.
Kaugnay nito, sinabi naman ni Senate Executive Director for Legislation Renato Bantug Jr. na umaasa silang maipapasa ang panukalang pag-amiyenda sa AMLA at Terrorist Financing Suppression Act bago mag-adjourn ang sesyon sa Hunyo 8.