MANILA, Philippines - Isang mahistrado ng Supreme Court ang nagbabala sa posibilidad na magkaroon ng failure of election kapag hindi agad naresolba ang usapin ng kinukwestyong legalidad sa pagbili ng 82,000 precinct count optical scan (PCOS) machines ng Comelec sa Smartmatic.
Sa ginanap na oral argument kahapon hinggil sa petisyon na mapawalang bisa ang kontrata sa pagitan ng Comelec at Smartmatic kaugnay sa pagbili ng mga pcos machine, sinabi ni Justice Lourdes Sereno na napaka kritikal ng isyu dahil ang pinag-uusapan na rito ay ang halalan sa susunod na taon.
Kaugnay nito, iginiit ng isa sa petitioner na si Atty. Abraham Espejo na hindi naman nila layong ibalam ang preparasyon sa halalan kundi nais lang nila na nasa legal na proseso ang lahat.
Sinabi pa ni Espejo na sakaling mabasura ang kontrata ng Smartmatic at Comelec ay may sapat pa namang panahon ang Comelec para magsagawa ng bidding sa sistemang gagamitin sa 2013 election.
Kasabay nito, inisa-isa ni Espejo ang mga negatibong epekto kapag natuloy ang pagbili sa mga PCOS machine.
Isa na rito ay ang posibilidad na dahil 2nd hand na ay kalahati ng 82,000 PCOS machine ang mag-malfunction o may problema na pala ang hard disk.
Agad namang sinermunan ni Justice Diosdado Peralta si Espejo dahil sa umano’y pawang ispekulasyon lamang ang sinasabi nito. Pinayuhan pa ni Peralta si Espejo na ‘wag pangunahan ang mga pangyayari.