MANILA, Philippines - Mapanganib ang mga coin purse na mabibili ng P10 sa Quiapo.
Ito ang binigyan-diin ng Eco Waste Coalition matapos na lumitaw sa kanilang pagsusuri na nagtataglay ang mga ito ng kemikal na chromium, na nakasasama sa kalusugan at maging sa kalikasan.
Ayon sa grupo, 10 leather products ang binili ng kanilang grupo sa mga vendor sa Carriedo street sa Quiapo at ipinasuri.
Lumitaw na lahat ng mga naturang produkto ay nagtataglay ng napakataas na antas ng chromium. Ang chromium na isang heavy metal na maaaring makasira ng kalikasan kung susunugin at magiging basura dahil maaari nitong ma-pollute ang groundwater at maa-absorb din umano ito ng mga halaman.
Ang mga taong malalantad dito ay maaaring dapuan ng sakit tulad ng dermatitis, ulceration of the skin, cancer, decrease lung function at posible ring makasama sa atay, bato at maging sa immune systems.
Gamit ang isang X-Ray Fluorescence (XRF) spectrometer, natukoy ng EcoWaste na ang chromium na taglay ng mga naturang coin purse ay nagtataglay ng chromium na 20,200 parts per million (ppm).
Hindi pa naman matukoy ng grupo kung Chromium VI ang taglay ng mga coin purse ngunit nangangamba pa rin ang mga ito dahil kung mataas umano ang antas ng Chromium III ay maaari rin itong ma-convert bilang Chromium VI.
Ipinadala na ng grupo ang lima sa mga nabili nilang sample sa isang pribadong laboratoryo upang matukoy kung nagtataglay ang mga ito ng Chromium VI.