MANILA, Philippines - Nagmukhang ‘timawa’ o ‘pulubi’ ang Pilipinas sa ginawang “two plus two meeting” sa Washington D.C. kaugnay sa paghingi ng tulong sa Amerika para lutasin ang sigalot sa pagitan ng Pilipinas at China sa Scarborough Shoal.
Ito ang pang-aasar na pahayag ni Sen. Joker Arroyo matapos na tumanggi at nag-iwas pusoy sina US Secretary of State Hillary Clinton at Defense Sec. Leon Panetta na makialam sa hidwaan ng dalawang bansa sa West Philippine sea.
Sinabi ni Arroyo, dating executive secretary ni dating Pangulong Corazon Aquino, hindi dapat agad na umakyat sa high level talks sina Foreign Affairs Sec. Albert del Rosario at Defense Sec. Voltaire Gazmin kung walang katiyakan na magtatagumpay ang kanilang misyon sa US.
Ikinatuwiran ni Arroyo na “nabisto” na ng pamahalaang Aquino ang Amerika na walang paninindigan at hindi tayo ipagtatanggol sa pambu-bully ngayon sa atin ng Chinese military forces.
“As matters stand, China now confirms what it had thought all along, that the 61-year Mutual Defense Treaty can not be invoked in the Scarborough stand-off,” paliwanag pa ni Sen. Joker.
Naniniwala si Arroyo na dapat ginaya ni Pang. Aquino ang kanyang ina na isang master of diplomacy at hindi padalos-dalos sa paghingi ng tulong sa Amerika.