MANILA, Philippines – Kakailanganin ng bansa ang mga “world-class educators” upang maging matagumpay ang pagpapatupad ng K+12 ng Department of Education.
Ayon kay Sen. Edgardo Angara, hindi magtatagumpay ang nasabing programa ng DepEd kung hindi naman magagaling ang mga guro na magtuturo. Aabot sa 12 taon ang dapat ipasok ng mga estudyante bago maka-graduate sa high-school bukod pa sa mandatory na kindergarten.
Sinabi ni Angara na hindi dapat kalimutan ng gobyerno ang mga guro lalo pa’t lumiliit na ang bilang ng mga kumukuha ng mga education-related courses.
Sa ulat ng National Statistical Coordinating Board (NSCB), bumaba ang bilang ng mga graduates ng Education Science at Teacher Training sa nakaraang dekada.
Ayon sa DepEd nasa 510,629 ang guro sa bansa pero kakailanganin pa ang nasa 99,628.
Inihayag kamakailan ng Professional Regulation Commission (PRC) at Board for Professional Teachers (BPT) na nasa 13,925 elementary teachers lamang sa kabuuang 32,798 examinees at 7,149 secondary teachers sa 28,764 examinees ang nakapasa sa Licensure Examination for Teachers (LET) para sa 2012.
Ang nasabing data ay hindi nagpapakita ng global competitiveness na nais isulong ng gobyerno.