US neutral sa Phl-China dispute

MANILA, Philippines – Walang kakampihan ang Amerika sa pagitan ng naggigiriang Pilipinas at China kaugnay ng standoff sa Scarborough Shoal o Bajo de Masinloc.

Inihayag ito kahapon ni US Secretary of State Hillary Rodman Clinton sa kabila ng paglapit at paghingi ng tulong ng Pilipinas sa US para sa pagpapalakas ng depensa sa Scarborough na tinatawag ding Panatag Shoal.

Ayon kay Clinton, nais ng Estados Unidos na daanin sa diplomatikong solusyon ang alitan ng dalawang bansa.

Nilinaw ni Clinton na ang naganap na “2+2” meeting sa pagitan nila ni Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario at Defense Secretary Voltaire Gazmin, mga kinatawan ng Pilipinas at US Secretary of Defense Leon Panetta sa Washington noong Lunes ay para lamang sa pagpapatatag ng alyansa ng magkabilang-panig sa umiiral na Mutual Defense Treaty.

Sinabi ni Clinton na nababahala siya sa nagaganap na standoff sa Scarborough subalit tutol sila sa anumang paggamit ng puwersa o dahas upang makuha ng Pilipinas o China ang kanilang inaangking teritoryo.

“The United States supports a collaborative diplomatic process by all those involved for resolving the various disputes that they encounter,” ani Clinton.

Sa 2+2 meeting, humi­ngi na ng tulong sina del Rosario at Gazmin sa US para sa pagtatayo ng matatag na depensa o “minimum credible defense” sa Pilipinas. 

Inamin ni del Rosario na sa kasalukuyan ay mahina pa rin ang puwersa at estado ng Armed Forces of the Philippines.  

“It sounds terribly painful for the Philippines, but more painful is the fact that this is true, and we only have ourselves to blame for it,” ani del Rosario.

Sinabi ni del Rosario na umaasa ang Pilipinas sa mga kaalyado nito gaya ng US at gagawin ng pamahalaan ang mga posibleng paraan upang maipagtanggol ang teritoryo nito.  

Sa kabila ng pagpahayag na walang kinikili­ngan ang US sa pagitan ng Pilipinas at China, tiniyak naman ni Clinton na sa oras na nagipit ang bansa sa anumang military aggression ay handa ang Amerika na saklolohan ang Pilipinas na kanyang kaalyado.

Magugunita na pormal nang nagpadala ng liham ang Department of Foreign Affairs sa Chinese Embassy sa Manila at hiniling na samahan ang Pilipinas na idulog ang usapin sa Scarborough upang maiwasan ang anumang bakbakan sa naturang shoal.

Iginiit ng Pilipinas na nasa 200 nautical mile Exclusive Economic Zone ng bansa ang Bajo de Masinloc habang ang China ay idiniin na pag-aari nila ang shoal dahil bahagi na ito ng kanilang kasaysayan.

Show comments