Pagtutulungan...Pagbabago...Disenteng trabaho...
MANILA, Philippines - Mas magiging madali na ngayon ang paghahanap ng trabaho sa pamamagitan ng mga job fair na isasagawa ngayong Araw ng Paggawa ng Department of Labour and Employment sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Bukod dito, kahit matapos ang job fair at ang pagdiriwang ng Araw ng Paggawa ngayong Mayo 1, tuloy pa rin ang pagtanggap at pagproseso ng aplikasyon ng mga naghahanap ng trabaho.
Ito ang tiniyak ng Department of Labour and Employment kaugnay ng isasagawa ngayon na 2012 Labor Day Job and Livelihood Fair sa World Trade Center sa Pasay City na nakaangkla sa temang “Pagtutulungan… Pagbabago…Disenteng Trabaho.”
Sinabi ni Labor Secretary Rosalinda Dimapilis-Baldoz na libre ang mga serbisyong ihahatid ng DOLE para sa mga aplikanteng dadagsa sa job fair sa Pasay City at iba pang bahagi ng Pilipinas. Para mas mabilis ang proseso, itinayo ng DOLE ang one-stop shop para sa mga job applicant o job seekers. Kabilang sa mga bumubuo sa one-stop shop ang mga opisyal at kinatawan ng National Bureau of Investigation, Social Security System, PhilHealth, Pag-IBIG, Professional Regulation Commission at iba pang kaukulang ahensiya.
Idiniin ni Baldoz sa isang pahayag na isinasagawa ng DOLE ang job and livelihood fair hindi lang para matugunan ang problema sa unemployment o kawalan ng trabaho ng maraming Pilipino kundi mapaangat pang lalo ang pagsasamahan at pagtutulungan ng mga employer, manggagawa at ng pamahalaan.
Ipinaliwanag pa ng kalihim na tinutukoy sa tema ng 2012 Labor Day celebration na “Pagtutulungan…Pagbabago…Disenteng Trabaho” ang pagsisikap ng DOLE na maalalayan ang mga manggagawa na makahanap ng trabaho at ang mga employer na makahanap ng bihasa o sanay na empleyado.
Gayunman, ayon kay Baldoz, walang dapat alalahanin ang mga aplikante na magtutungo sa alinman sa 51 Labor Day Jobs and Livelihood Fairs ng DOLE sa buong bansa kung hindi man agad makuha o matanggap ng mga kumpanya. Ipinaliwanag niya na, kahit isang araw lang ang okasyong ito, ipagpapatuloy ng job fair ang pagproseso sa mga aplikasyon ng mga job seekers.
Ipinaliwanag pa niya na maaaring hingin pa ng ilang employer sa mga kuwalipikadong aplikante na sumailalim sa kani-kanilang pro- seso bago magpasyang kumuha ng bagong empleyado.
“Maaaring mahirap na hamon sa mga employer ang pagpili ng job applicant. Kailangan nila ng sapat na panahon para pag-aralan ang mga aplikasyon, suriin ang mga detalye ng kanilang credential at kapanayamin ang aplikante,” sabi pa ng kalihim na nanawagan sa mga aplikante na maging optimistiko at maging mapagpasensiya dahil merong mga sapat na bakanteng trabaho at oportunidad na pangkabuhayan para sa lahat sa mga job fair. Magpa-patuloy anya ang pagpoproseso at hiring ng mga employer pagkatapos ng job fair.
Binanggit pa ni Baldoz na, dahil pinarerehistro ang mga jobseekers, makakatiyak sila na hindi masasayang ang kanilang aplikasyon dahil masusi itong imomonitor ng Bureau of Local Employment (BLE) sa pamamagitan ng jobs matching facility nito na the Phil-Job.Net.
Ayon sa pahayag ng DOLE habang isinusulat ito, merong 360,777 bakanteng trabaho na iniaalok ng 1,706 employer sa 16 na rehiyon sa bansa. Sa bilang na ito, 74,352 posisyon ang iniaalok ng 1,085 empliyer habang ang iba ay mga bakanteng trabaho sa ibang bansa.
- Latest
- Trending