MANILA, Philippines - Kinilala ng Metro Manila Development Authority ang pagpupursige ng 16 lungsod at isang munisipalidad sa Kalakhang Maynila dahil sa pagbawas ng dami ng basura sa kani-kanilang lokalidad bilang tugon sa Republic Act 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act.
Base sa datos ng aktuwal na dami ng basura na itinatapon ng LGUs nitong Disyembre 2011 mula sa Solid Waste Management Office (SWAMO) ng MMDA ay lumalabas na ang Pasay City ang nanguna bilang pinakamaraming nabawas sa koleksyon ng basura o katumbas ng 51 porsiyento. Pumangalawa ang Pasig City na may 29 percent pagbaba at sinundan ng Navotas, 10 percent.
Ang iba pang LGUs ay nagtala rin ng pagbaba sa dami ng basura.
Ang Valenzuela ang nakapagtala ng pinakamababang pagtaas o katumbas ng two percent pero nakakagulat ang Marikina na dating top performer noong 2010 pagdating sa garbage volume reduction ay nakapagtala ng 73 percent increase noong 2011, pinakamataas sa Metro Manila.
Ang lungsod ng Parañaque at Las Piñas ay hindi isinama dahil sa kawalan ng record ng MMDA sa kanilang disposal records.