Pangulo nagsumite ng SALN; Yaman ni Villar nadagdagan

MANILA, Philippines - Nagsumite na ng kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) si Pangulong Benigno Aquino III, ayon kay Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte.

Sinabi ni Valte na isinumite ni Pangulong Aquino ang kanyang 2011 SALN noong Abril 24, 2012.

Magugunita na kahapon ang deadline ng pagsusumite ng SALN para sa lahat ng mga opisyal at empleyado ng pamahalaan.

Sa kaugnay na ulat, nadagdagan ng nasa P129 milyon ang kayamanan ni Senator Manny Villar base sa inihain niyang SALN para sa taong 2011.

Noong 2010, ang naitalang net worth ni Villar ay P725.2 milyon samantalang, sa pinakahuling SALN nito, ang kaniyang kayamanan ay pumalo sa P854,213,716 o mas mataas ng nasa P129 milyon.

Samantala, sa kabila ng panggigigil ng mga senador sa pagkuha ng kopya ng  SALN ni impeached Chief Justice Renato Corona, tanging lima lamang  sa mga ito ang mabilis na nagbigay ng kanilang SALN sa media na kinabibilangan nina Villar, Senators Panfilo “Ping” Lacson, Antonio Trillanes,  Pia Cayetano, at Francis “Chiz” Escudero.

Karamihan sa mga staff ng mga senador ay nagsabi  na wala silang kopya ng SALN sa kanilang tanggapan at dumiretso na lamang umano ang media sa Office of the Senate Secretary na magpapalabas naman ng kopya pagkatapos pa ng 15 araw.

Si Cayetano (Pia) ay nagdeklara ng P72,058,846.58 na net worth na mas mababa kumpara sa  P76,775,628.71 na idineklara niya para sa taong 2010.

Ang idineklara naman ni Lacson sa kaniyang SALN ay P39 milyon pero may utang itong nasa P16.5 milyon kaya ang natira niyang net worth ay P22.6 milyon.

Samantala, si Trillanes na may pinakamaliit na assets noong 2010 na P3.8 milyon ay nagdeklara ng total net worth na P3,897,121.  

Show comments