'Magandang balita' ni PNoy inaabangan ngayon

MANILA, Philippines - Merong magandang balita si Pangulong Benigno Aquino III ngayong Araw ng Paggawa, ayon sa kanyang tagapagsalita kahapon. Dahil “Tiyak na merong magagandang balita,” sabi ni Presidential Spokesperson Edwin Lacierda nang usisain ng mga reporter hinggil sa magiging pahayag ng Pangulo para sa pagdiriwang ngayong Mayo 1 ng Araw ng Paggawa.

Kulang sa detalye ang pahayag ng Malacañang pero inaasahang aaba­ngan ng marami lalo na ng mga manggagawa ang sinasabing Magandang Balita.

Gayunman, tumanggi si Lacierda na sagutin kung makakarinig din ng magandang balita mula sa Pangulo ang mga manggagawa sa pribadong sektor.

Kamakalawa ay inihayag ni Aquino na meron siyang sorpresang ihahayag ngayong Martes para sa mga empleyado ng pamahalaan. Ipinahiwatig niya na may kaugnayan ito sa pagpupursige ng pamahalaan na maipatupad ang ikaapat na installment ng Salary Standardization Law 3.

Makikipagdayalogo rin ang Punong Ehekutibo sa mga lider ng mga organi­sasyon ng mga manggagawa sa Palasyo ng Malakanyang ngayong Martes ng umaga.

Tiniyak ni Lacierda na aaksyunan ng Pangulo ang anumang karaingang ipaparating dito ng mga lider-manggagawa sa kanilang pulong.

Pero, ayon sa isang mambabatas, hindi makakaasa ng magandang ba­lita ang mga manggagawa mula sa pribadong sektor na nagsusulong ng P125 umento ngayong Araw ng Paggawa.

Ayon kay Northern Samar Rep. Emil Ong, tagapangulo ng House Committee on Labor, ito ay dahil sa patuloy pa rin ang konsultasyon ng iba’t ibang sektor at ang isinasagawang hearing dalawang taon matapos ihain ni Anakpawis Rep. Rafael Mariano ang House Bill 375.

Ipinaliwanag ni Ong na ang pagpapasa ng legislated wage hike ay mahirap para sa mga mambabatas dahil dapat nilang balansehin ang pangangailangan ng mga manggagawa para maitaas ang sahod pero dapat nilang ikonsidera ang kakayahan ng mga employers o kumpanya.

Bagama’t hindi imposibleng maibigay ang nasabing dagdag na sahod ay  mas mabuti pa umanong ipaubaya na lamang sa Regional wage boards ang nasabing usapin habang hindi pa ito naisasabatas.

Samantala, nanawagan si House Deputy Speaker Erin Tañada sa pagpapahinto ng contractualization sa maraming kumpanya bilang paggunita sa Araw ng Paggawa.

Sinabi ni Tañada na ang contractualization ang siyang pangunahing dahilan kung bakit lalong nalulugmok sa kahirapan ang mga manggagawang Pilipino.

Show comments