MANILA, Philippines - Kinalampag na ang Ombudsman dahil sa umano’y hindi pag-aksyon sa inihaing kaso rito laban sa tatlong konsehal ng Quezon City.
Ayon kay Jimmy Lee Davis ng BFP Compound, East Avenue, QC at dating kawani ng QC Council, Marso 2011 pa ng isampa niya ang kasong graft and corruption sa tanggapan ni Ombudsman Concita Carpio-Morales na may Case No. CPL-11-1068, subalit hanggang ngayon ay hindi pa rin ito inaaksyunan.
Maging ang abogado ni Davis na si dating Senator Aquilino “Nene” Pimentel ay nagtataka din dahil kung bakit sobrang kupad ng mga graft investigators na magresolba ng kasong isinasampa sa Ombudsman.
Nangangamba si Davis na baka mauuwi lamang sa wala ang kanyang pagnanais na mapanagot sina QC Councilors Francisco Boy Calalay Jr., (1st district); Roderick Paulate (2nd district) at Marvin Rillo (4th district) kaugnay sa “ghost employees” at “ghost projects” sa pamahalaang lungsod.
Sa hawak na dokumento ni Davis, lumilitaw na may 120 empleyado na nakaplantilya ang bawat Konsehal ng QC Council, subalit nadiskubre umano ni Davis na ang existing plantilla personnel nina Calalay at Paulate ay 20 katao lamang ang totoo at ang 100 diumano ay “ghost employees” na.
Pinipeke rin umano nina Calalay, Paulate at Rillo ang pirma ng mga ghost employee nila upang “makakolekta” sa pondo ng QC government.