Drop-out dadami sa K-12
MANILA, Philippines - Nagbabala si Senador Antonio “Sonny” F. Trillanes IV na lalong lalala ang drop-out rate at tataas ang halaga ng edukasyon sa bansa sa ilalim ng Enhanced Kindergarten to Grade 12 (K-12) ng Department of Education (DepEd).
Nanindigan ang senador na ang K-12 na ipatutupad ng DepEd sa darating na pasukan ay hindi praktikal na solusyon sa mababang kalidad ng edukasyon sa Pilipinas.
“Ngayong malala pa rin ang kakulangan ng mga silid-aralan at mga guro, bakit kinakailangang magpasimula pa ang DepEd ng isang programa na lalong magpapalala ng kondisyon ng mga pangunahing pangangailangan sa edukasyon?” tanong ni Trillanes.
Sinabi pa ng senador na hindi lamang dagdag na gastos sa gobyerno ang K-12 kundi maging sa mga magulang na hirap nang makaagapay sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo.
Ayon kay Trillanes, ang programang ito ng DepEd na umano’y naglalayong mapalawak ang basic education sa bansa mula 10 taon patungong 13 taon, ay magpapalala pa sa mataas na drop-out rate sa bansa.
“Sa bawat 100 na mag-aaral sa Grade 1, 43 lamang ang nakakatapos ng high school, at 14 ang makakapagtapos sa kolehiyo,” ani Trillanes. “Kung ating isasaalang-alang ang kasalukuyang estado ng ekonomiya, hindi mo kinakailangang maging genius para makita na ang drop-out rate ay lalo lamang tataas kung ipapatupad ang dalawang taong dagdag sa school curriculum.”
Pinabulaanan din ni Trillanes ang sinasabi ng DepEd na ang naturang programa ang magpapabuti sa kalidad ng edukasyon sa bansa at ang solusyon sa kawalan ng trabaho sa mga kabataan.
Ipinunto ni Trillanes ang pag-aaral na ginawa ni dating Education Deputy Minister Abraham Felipe at ni Dr. Carolina Porio, na “walang kaugnayan ang bilang ng taon ng pag-aaral sa pangkalahatang kalidad ng edukasyon.”
Hinalimbawa ni Trillanes ang sitwasyon sa mga bansa na may mahabang secondary level ng school cycle tulad ng South Africa, Chile, Botswana, Morocco at Saudi Arabia na pawang nabibilang sa mga low-performing high school students sa mundo.
Kaduda-duda rin umano ang argumento na ang isang 18-year-old na magtatapos sa ilalim ng programa ng K to12 ay magiging “employable” kahit walang college degree.
- Latest
- Trending