MANILA, Philippines - Muling nagpakita ng kagaspangan ang tropa ng China matapos na i-harass ng kanilang Chinese vessel ang dalawang barko ng Philippine Coast Guard (PCG) na nagbabantay sa pinag-aagawang Scarborough o Panatag Shoal sa West Philippine Sea.
Sa natanggap na report ng Department of Foreign affairs (DFA) kay Vice Admiral Edmund Tan, Commandant ng Philippine Coast Guard (PCG), muling nakatikim ng pambu-bully ang tropa ng PCG mula sa Chinese FLEC 310 vessel malapit sa bukana ng Scarborough Shoal o Bajo de Masinloc nang magpaikot-ikot ito na naging dahilan ng malalaking alon na humampas sa mga barko ng PCG kahapon ng umaga.
Ayon kay Foreign Affairs Raul Hernandez, dakong alas-9 ng umaga ay nakipaggirian ang Chinese FLEC 310 sa stationary BRP Pampanga 003 nang lapitan sila sa kaliwang bahagi ng barko at saka biglang inikutan ang huli ng may 600 yarda lamang ang distansya sa kanila saka gumiri pakanan na may bilis na 20.3 knots.
Kasunod nito, dakong alas-9:15 rin ng umaga ay isinunod ng Chinese FLEC 310 vessel na lapitan at ikutan ang isa pang barko ng PCG na BRP Edsa 002 na may layong 600 yarda lamang at may bilis na 20.6 knots nang tila naghahamon na barko ng China.
Dahil sa ginawang pag-ikot ng Chinese FLEC 310 ay nagdulot ito ng 2 metrong alon na humampas sa mga barko ng Pilipinas.
Gayunman, iniulat ni Tan na walang nasaktan sa hanay ng mga crew ng dalawang barko ng PCG na naatasang magbantay sa lugar.
Bagaman, hindi pinatulan ng dalawang barko ng Pilipinas ang paghahamon ng barko ng China, nagpapakita umano na walang plano ang China na makipag-ayos sa diplomatikong pamamaraan.
Kamakalawa ay naghain na ng pormal na kahilingan ang Pilipinas sa China na dalhin sa International Tribunal on the Law of the Seas ang Scarborough territorial dispute upang matapos na ang standoff sa Bajo de Masinloc.
Mariing inihayag ng China na hindi sila sasama sa Pilipinas sa pagtungo sa ITLOS at nagbanta pa ito na huwag i-internationalized ng Pilipinas ang issue at huwag kumuha ng kakampi mula sa Association of Southeast Asian Nations lalo na sa Estados Unidos para lamang manalo ito sa pinag-aagawang Shoal.