Palpak na opisyal itapon sa Scarborough - PNoy
CAGAYAN DE ORO CITY, Philippines - Nagbanta si Pangulong Aquino sa kanyang mga opisyales na ipapatapon niya ang mga ito sa pinag-aagawang Scarborough Shoal kapag hindi nakatupad ang mga ito sa kanilang mga pangako.
Sa kanyang pagdalo sa turn-over ceremony ng may 1,516 housing units sa Sendong survivors sa lungsod na ito, sinabi ng Pangulo na nangako sa kanya ang National Housing Authority (NHA) at Department of Public Works and Highways (DPWH) na matatapos nila agad ang mga kinakailangang itayo sa permanent resettlement area dito para sa mga biktima ng bagyo.
Ang pangako umano ng NHA ay maitatayo nila ang kabuuang 8,000 housing units hanggang Agosto upang mabigyan ng tahanan ang lahat ng biktima ng naturang bagyo. Nangako rin si DPWH Sec. Rogelio Singson na tatapusin nila hanggang sa June 30 ang pagkumpuni sa tulay patungo sa Calaanan resettlement area kung saan naroroon ang may 1,516 housing units.
Dito ay pabiro subalit may patamang sinabi ng Pangulo na “sinumang opisyal na hindi makakatupad sa kanilang pangako sa akin ay ipapatapon ko sa Panatag Shoal” na ngayon ay pinag-aagawan ng Pilipinas at China.
- Latest
- Trending