Imported na karneng baka ligtas kainin
MANILA, Philippines - Ligtas pang bumili at kumain ng mga imported na karneng baka kahit may report ng mad cow disease sa Estados Unidos.
Ayon kay Health Assistant Secretary Eric Tayag, walang dahilan upang maalarma ang publiko dahil isang baka lang naman ang nagpositibo sa naturang sakit sa California at masyadong malayo ito sa lugar kung saan umaangkat ng baka ang Pilipinas.
Sinabi ni Tayag na kung tinamaan ng mad cow disease ang isang baka, napaparalisa lamang ito at hindi na papayagang makatay at maibiyahe pa palabas ng isang estado sa Amerika.
Makakaapekto naman aniya ang sakit sa tao kung nakain nito ang litid, brain tissue o spinal cord ng bakang nagpositibo sa sakit.
Kaugnay nito, sinabi ng opisyal na walang banta ng mad cow disease sa ating bansa. Isolated lamang ang kaso ng mad cow sa Amerika.
Pero para kay Sen. Kiko Pangilinan, chairman ng Senate Committee on Food and Agriculture, dapat munang itigil ang pag-import ng karneng baka mula sa Amerika.
Iginiit ni Pangilinan na dapat mag-doble ingat ang gobyerno lalo pa’t may ibang bansa naman na maaaring pagkunan ng karneng baka tulad ng India, Australia, New Zealand at Argentina.
- Latest
- Trending