Lanuza pupugutan na ng ulo sa Saudi!
MANILA, Philippines - Nagpalabas na ng kautusan ang pamahalaan ng Saudi Arabia na pugutan ng ulo ang overseas Filipino worker (OFW) na si Rogelio “Dondon” Lanuza.
Base sa report ng Embahada ng Pilipinas sa Riyadh, isang Note Verbale ang kanilang natanggap mula sa Ministry of Foreign Affairs ng Saudi Arabia na may petsang April 14 hinggil sa Royal Order na nagpapatupad sa desisyon ng Saudi court na bitayin si Lanuza.
Gayunman, ang pagpapatupad ng kamatayan kay Lanuza ay pansamantalang naka-hold o pinipigil dahil sa isang kasunduan sa pagitan ng nasabing OFW at sa pamilya ng Saudi national na napatay nito.
Base sa kasunduan, kailangang maibigay ang 3 milyong Saudi riyals o P35 milyon blood money o diyya na hinihingi ng pamilya ng biktima kapalit ng ulo o kalayaan ni Lanuza.
Magugunita na nanawagan si Lanuza sa pamahalaan na agad na kumalap ng P35 milyon blood money matapos ang naganap na kasunduan ng magkabilang-panig na sinaksihan ng mga kinatawan ng Department of Foreign Affairs at Saudi Reconciliation Committee noong Pebrero 22, 2011. Nagkasundo na ibibigay ng kampo ni Lanuza ang nasabing blood money matapos ang dalawang buwan mula sa nasabing petsa.
Gayunman, nabigo ang kampo ni Lanuza na maibigay sa nasabing taning ang blood money kaya pinangangambahan na anumang oras ay pugutan ng ulo si Lanuza.
Kinumpirma rin ng Embahada na hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa nase-settle o naibibigay ng kampo ni Lanuza ang nasabing halaga taliwas sa unang mga report na naipasa na ang blood money sa pamilya ng biktima.
Si Lanuza ay may 12 taon nang nakakulong sa Saudi matapos na mapatay nito ang biktima noong 2000 dahil sa pagtatanggol sa sarili.
Ayon naman kay Foreign Affairs Spokesman Raul Hernandez, agad nitong ibeberipika ang nasabing Royal Order at makikipag-ugnayan sa Saudi government upang hindi maipatupad ang pagpugot kay Lanuza.
Maaaring makalaya si Lanuza kapag naibigay na ang blood money at naipasa na ng aggrieved party ang affidavit of forgiveness at desistance sa Saudi court.
- Latest
- Trending