MANILA, Philippines - Nakakuha ng maraming kakampi ang Pilipinas mula sa mga miyembro ng Association of East Asian Nations (ASEAN) dahil sa patuloy na panghihimasok ng China sa teritoryo ng Pilipinas sa Scarborough o Panatag Shoal sa West Philippine Sea.
Ayon kay Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario, maraming bansa na miyembro ng ASEAN ang nagpahayag ng kanilang sentimiyemto hinggil sa nagaganap na stand-off sa pagitan ng Pilipinas at China sa Panatag Shoal o Baja de Masinloc sa Zambales.
Sinabi ni del Rosario na tinututukan na rin ng mga bansang ito ang nagaganap na girian sa Scarborough dahil sa patuloy na probokasyon ng China matapos na may anim pang bagong bagong barkong pangisda ng China ang pumasok bukod pa sa dalawang Chinese government vessels na nakahimpil sa Scarborough bagaman may nagaganap na standoff.
Sa isang pulong balitaan sa Department of Foreign Affairs, sinabi ni del Rosario na marami ng bansa ang naalarma sa ginagawang panghihimasok ng China.
Bukod sa ASEAN, nanawagan din si del Rosario sa iba pang mga bansa na tutukan ang sitwasyon sa Scarborough.
Nabatid na nakatakdang tumulak si del Rosario kasama si Defense Secretary Voltaire Gazmin sa Estados Unidos sa Sabado upang makipagpulong sa kani-kanilang counterparts na sina US Secretary of State Hillary Clinton at Defense Secretary Leon Panetta.
Ito ay upang palakasin ang alyansa ng dalawang nabanggit na bansa para sa umiiral na Mutual Defense Treaty para sa kapabilidad ng militar ng bawat nabanggit na bansa pagdating sa conflict o kaguluhan.
Bukod dito, ngayong linggo ay pormal nang ihahain ng Pilipinas ang kahilingan sa China na dalhin sa International Tribunal on the Law of the Seas ang nasabing sigalot.
Kinontra ng China ang plano ng Pilipinas na paghingi ng tulong o suporta sa mga kaalyadong mga bansa, at huwag umanong i-internationalize ang nagaganap na territorial dispute sa Scarborough shoal.