Paggamit ng botcha sa siomai iimbestigahan
MANILA, Philippines - Pinaiimbestigahan ni Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri ang impormasyong paghalo umano ng ilang negosyante ng botcha (double dead meat) sa karneng ginagamit sa paggawa ng siomai na labis na makakaapekto sa kalusugan ng makakain nito.
Kasabay nito, inatasan na ng alkalde ang City Veterinary Office upang agad na magsagawa ng inspeksiyon sa sinasabing lugar kung saan ay may mga negosyanteng naghahalo ng botcha sa kanilang ginagawang siomai na ibinebenta sa mga residente.
Pansamantala ring hindi tinukoy ng alkalde ang lugar kung saan umano hinahaluan ng botcha ng mga negosyante ang karneng kanilang ginagamit sa paggawa ng siomai nang sa gayon ay hindi agad mabulabog ang mga ito.
Kapag napatunayang gumagamit ng botcha ang mga sinasabing negosyante ay posibleng maharap ang mga ito sa patong-patong na kaso bukod pa ang pagkakatanggal ng lisensiya ng mga ito.
Nag-ugat ang aksiyon na ito ng lokal na pamahalaan matapos na isang residente ng lungsod ang magsumbong sa National Meat Inspection Service (NMIS) kung saan ay sinasabi nitong may mga negosyanteng naghahalo ng botcha sa karneng ginagawang siomai.
- Latest
- Trending